Bawal Muna Lumabas

Panulat ni: G. Elsie C. Salvador

Bawal lumabas! Marahil ang dalawang salitang ito ang pinakamadalas ng sabihin natin sa loob ng ating mga tahanan bukod sa mga salitang pandemya, maghugas ng kamay, face mask, face shield, ayuda at online class. 

Naging simbolo na nga ito ng naranasan nating pandemya simula pa noong Marso nang nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan. Sa katunayan, naging viral pa ang mga katagang ito nang magkaroon ng isyu kay Kim Chiu hanggang sa mga nakakatuwang memes at kanta. 

Bawal lumabas ang mga batang may edad 17 pababa at 65 pataas. Bawal lumabas ang mga walang bibilhing mahalagang bagay o pagkain o gagawing mahalaga sa labas ng bahay. Bawal lumabas ang mga may sipon, ubo, lagnat, lalo na ang mga namamga ang lalamunan at mga walang panlasa o pang-amoy. Bawal ding lumabas sa mga itinakdang oras ng ating baranggay. Bawal lumabas…

Dahil bawal lumabas, natural na nasa loob lamang tayo ng ating tahanan. Parang ang dali lamang isipin na nasa loob lamang tayo ng tahanan subalit, unti-unti nakita at naramdaman ng bawat tao ang iba’t ibang epekto ng pananatili sa loob ng tahanan at bawal lumabas. Siguro, kung tatanungin ko kayo, kung ano ang naging epekto sa inyo ng matagalang pananatili sa inyong tahanan, mas marami kayong isasagot na negatibo kaysa sa positibo, tama?

Hindi naman natin maitatanggi ang mga negatibong epekto ng hindi paglabas ng bahay sa ating pisikal, mental, sosyal, at isipiritwal na aspekto ng buhay. Subalit kung ito ang ating pagtutuunan, tiyak na tayo ay manghihina at mawawalan ng pag-asa. Kaya, ibaling natin ang ating pagtingin sa mga positibong epekto ng hindi paglabas ng bahay. 

Bawal lumabas kaya sa bahay tayo nag-aaral.  Dito nga ay nasubukan natin ang bagong konsepto ng pag-aaral. Hindi naging hadlang ang hindi paglabas upang tumigil ang mga mag-aaral sa pag-aaral. Bagamat iba pa rin ang ganda ng harapang pag-aaral, may gandang dulot ding hatid ang online class.

Screen Shot 2021 04 28 At 8.09.28 Am

Ilan sa mga ito ay mas humaba ang oras ng tulog at pahinga dahil hindi kailangang kasing-aga ng gising noon ang gising ngayon dahil hindi naman kailangan magbyahe at matrapik sa pagpasok at pag-uwe. 

Ikalawa, dahil hindi lumalabas, higit na mayroong nadaramang seguridad ang mga magulang. 

At ikatlo, mayroong mga gawain na masayang gawin online kaysa sa harapang klase.

Screen Shot 2021 04 28 At 8.08.48 Am

Bawal lumabas kaya hindi tayo makapunta sa iba’t ibang lugar. Pero dahil online at virtual, mas marami tayong makikitang iba’t ibang lugar hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang panig ng mundo maging sa pinakailalim ng dagat ay maaari nating mapuntahan sa pamamagitan ng mga napakaraming magagandang virtual tour na makikita at mapapanood natin online. Maari naman nating bisitahin ang mga lugar na ito kapag ligtas nang lumabas.

Bawal lumabas kaya hindi makapagsimba. Subalit, kung iisipin natin, halos lahat na ng mga simbahan at service ay online na. Higit na marami tayong mapapanood at mapupuntahang church service sa online. 

Bawal lumabas kaya ang ilang mga magulang ay maaaring magtrabaho kahit nasa bahay. Hindi ba’t magandang pagkakataon ito upang magkaroon ng oras na kasama ang ating pamilya? Maraming pwedeng gawin sa bahay kasama ang pamilya tulad ng paglalaro, panood, pagluluto, pag-eehersisyo, paglilinis ng bahay, pagpaplano, at marami pang iba. Maaaring mag-isip ng bagong hobby or libangan o matuto ng bagong isport o sayaw. 

Ang mga ito ay ilan lamang sa mga magagandang bagay na naidulot ng pananatili natin sa ating tahanan dahil bawal pang lumabas. Makatutulong sa atin kung pagtutuunan din natin ng pansin ang mga positibong dulot nito habang isinaalang-alang din natin ang mga negatibong epekto ng hindi paglabas ng bahay. Bawal lumabas para maging ligtas. 

loader-gif